May 21, 2025

2-STAR GENERAL INIREKLAMO NG PANGGAGAHASA NG 2 SUNDALO, SINIBAK SA PWESTO

LIPA CITY, Philippines — Isang two-star general ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang nahaharap sa mga kasong rape at attempted rape matapos ireklamo ng dalawang lalaking sundalo na umano’y ginahasa sa loob ng kanyang silid matapos ang isang inuman sa San Fernando Air Base, Lipa, Batangas noong Enero 29.

Ayon sa ulat, lumabas sa CCTV footage na dumating sa base ang grupo ng mga sundalo kasama ang heneral bandang gabi ng naturang petsa. Makalipas ang ilang oras, dalawang sundalo ang makikitang lumabas ng senior officers’ quarters na umiiyak. Nilapitan sila ng kanilang opisyal at dito na nagsimulang maglahad ng reklamo ang mga biktima.

Sa kanilang salaysay, sinabi ng dalawang sundalo na inimbitahan sila ng heneral na matulog sa kanyang silid — paanyayang una nilang inakalang biro lamang — ngunit kalaunan ay nauwi sa umano’y panghahalay.

Mariing itinanggi ng opisyal ang mga akusasyon. Sa kanyang counter-affidavit, iginiit niyang imposible ang paratang: “Malalakas at sanay sa disiplina ang mga complainant, kaya nilang ipagtanggol ang kanilang sarili. Wala akong ginamit na sandata, pananakot, o puwersa.”

Tinukoy naman ng abogado ng mga biktima na maaaring mangyari ang sexual assault kahit sa kalalakihan.

“Ang pang-aabuso ay maaaring mangyari sa sinuman — babae man o lalaki, kahit pa sa mga matitipunong sundalo,” ayon kay Atty. Nico Robert Martin.

Dahil sa mga reklamo, agad na inalis sa puwesto ang heneral at inilagay sa restrictive custody ng Philippine Air Force.

Ayon sa AFP, lumabas sa imbestigasyon ng Office of Ethical Standards and Public Accountability na may prima facie evidence laban sa heneral na maaaring magtulak sa isang pre-trial investigation. Sa kasalukuyan, nasa tanggapan na ni AFP Chief-of-Staff General Romeo Brawner Jr. ang resulta ng paunang imbestigasyon.

“Ito po ay nasa review at hinihintay na lamang ang pirma ng ating Chief-of-Staff para sa pormal na pag-endorso ng kaso sa General Court-Martial,” ayon kay AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla.

Sasampahan ang opisyal ng mga kasong paglabag sa Articles of War 96 (Conduct unbecoming of an officer and a gentleman) at Article 97 (Conduct prejudicial to good order and military discipline).

“Zero tolerance tayo sa anumang uri ng misconduct, lalo na kung may kinalaman sa sexual abuse,” dagdag pa ni Padilla.

Patuloy ang pagsasagawa ng imbestigasyon habang hinihintay ng publiko ang resulta ng legal na proseso at posibleng pagharap ng heneral sa korte militar.