ARESTADO ang dalawang katao na sangkot sa pananaksak, kabilang ang 61-anyos na ama na nakapatay sa sariling anak sa magkahiwalay na operasyon araw ng Linggo sa Navotas City.
Unang dinakma ng mga tauhan ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes si alyas “Tukmol” matapos niyang saksakin ng gunting ang kalaro sa sugal na pusoy sa isang lamay ng patay sa Phase 2 Area 1 Block 28, NBBS-Dagatdagatan dakong ala-1:55 ng madaling araw matapos ang kanilang mainitang pagtatalo.
Ayon kay Capt. Alexander Calabucal, hepe ng Navotas Police Sub-Station-4 na nakadakip kay Tukmol, sasampahan nila ng kasong frustrated homicide ang suspek matapos positibong kilalanin ng biktima na patuloy na nakaratay pa rin sa Navotas City Hospital bunga ng tinamong saksak sa bahagi ng katawan.
Dakong alas-6:05 naman ng Linggo rin ng gabi nang madakip sa ikinasang follow-up operation nina P/Lt. Roberto Furuc, Commander ng Navotas Police Sub-Station-1 si alyas “Napoleon” sa may Chunkan St. Brgy Tanza 2, na suspek sa pagpatay sa 35-anyos na anak na si alyas “Ryan” sa harap ng kanilang tirahan sa Bicol Area, sa naturan ding barangay..
Sa ulat ni P/MSg. Allan Bangayan kay Col. Cortes, alas-3:45 ng Linggo ng hapon nang magkaroon ng pagtatalo habang nag-iinuman ang kinakasama ng suspek na si alyas Noralyn at anak na babae ng suspek na si Nicole sa harap ng kanilang bahay sa Bicol Area.
Nakialam umano ang biktima sa pakikipagtalo ng kapatid sa kanilang madrasta na ikinairita ng suspek na umaawat na rin sa pagtatalo.
Pumasok ng kanilang tirahan ang suspek at paglabas ay armado na ng patalim at tinarakan sa dibdib ang anak bago mabilis na tumakas habang isinugod naman ni Nicole at isa pang kapatid na babae ang biktima sa Navotas City Hospital subalit idineklarang dead-on arrival.
Ayon kay Col. Cortes, kasong Parricide ang isasampa nila sa suspek Navotas City Prosecutor’s Office.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA