February 11, 2025

2 sa 4 na holdaper na nambiktima sa lolo sa Caloocan, tiklo

SHOOT sa kulungan ang dalawa sa apat na holdaper na nambiktima sa 69-anyos na lolo matapos matunton ng pulisya sa ginawang follow-up operation sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Sa kanilang tirahan sa Brgy. NBBS sa Navotas City nakormer ng mga tauhan ni Caloocan Police Chief P/Col. Edcille Canals sina alyas “Lester” 19, waiter, at alyas “Jaspher”, 18, helper sa Navotas Fishport.

Positibong kinilala ng biktimang si alyas “Efren”, residente ng Brgy. Maypajo, ang naarestong mga suspek na nanutok sa kanya ng baril at puwersahang tumangay sa kanyang mobile phone, relos at wallet na naglalaman ng P5,000 cash.

Sa ulat na tinanggap ni Northern Police District (NPD) Acting District Director P/Col. Josefino Ligan, naglalakad sa C3 Road, malapit sa Perpetua Street, Barangay 22 ang senior citizen nang tutukan baril at holdapin siya ng mga suspek na mabilis na tumakas, sakay ng dalawang magkahiwalay na motorsiklong minamaneho ng kanilang kasabuwat.

Humingi naman ng tulong ang biktima sa Tuna Police Sub-Station1 at nang matukoy nila ang pagkalilanlan ng mga suspek, agad silang nagsagawa ng follow-up operation, kasama ang mga tauhan ng Intelligence Section na nagresulta sa pagkakadakip sa dalawa habang tinutugis pa ang kanilang kasabuwat na si alyas “Kalbo” at isa pang hindi pa kilala.

Nakuha ng mga tauhan ni Col. Canals kay alyas Lester ang isang kalibre .45 Colt pistol na may tatlong bala sa magazine at alyas Jasper isang kalibre .45 na may isang bala sa magazine at dalawang motorsiklong gamit sa panghoholdap habang hindi na nabawi ang mga ninakaw sa biktima.

Kasong robbery holdup ang isasampa ng pulisya sa mga suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office habang paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at paglabag sa Omnibus Election Code ang ihahain laban sa dalawa sa Navotas City Prosecutor’s Office.