
NASAKOTE ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawa pang puganteng South Korean na wanted sa Seoul at Interpol dahil sa robbery at illegal gambling sa magkahiwalay na operasyon sa Cebu at Paranaque.
Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, naaresto ang dalawang Koreano noong Marso 3 ng mga operatiba ng BI-Fugitive Unit (FSU), sa pamumuno ni Rendel Ryan Sy sa nasabing mga siyudad.
Aniya, parehong naaresto ang nasabing mga Koreano, na subject sa red notice mula sa Interpol, dahil sa request ng South Korean government na humingi ng tulong sa BI para matunton at maipa-deport ang mga pugante.
Nabatid na nasukol sa Brgy. Talamban, Cebu City ang 38-anyos na si Sim Sooryong, na subject ng arrest warrant na inisyu noong Nobyembre 26, 2024 ng Changwon district court matapos diumano niyang atakehin ng palakol ang isang biktima at puwersahang ipalipat ang 25 milyong won sa kanilang bank account.
Samantala, si Kim Kwanghyun naman ay wanted sa South Korea dahil sa pagpapatakbo ng iligal na online gambling sites mula pa noong 2015, kung saan nakapagkamal siya ng mahigit 16 bilyong won mula sa bentahan ng sports betting tickets.
Isinelda ang dalawa sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang hinihinatay ang deportation.
Blacklisted na rin sila at hindi na papayagang muling makapasok ng Pilipinas.
More Stories
BASECO BEACH, ISINARA SA PUBLIKO
PRANGKISA NG MERALCO PINALAWIG PA NG 25 TAON, IKINALUGOD NI MVP
DISQUALIFICATION CASE VS PASIG POLL BET IAN SIA, UNTI-UNTI NANG UMUUSAD