
Valenzuela City — WALANG LUSOT! Nadakma ng mga alagad ng batas ang dalawang pugante na kapwa nahaharap sa kasong karumal-dumal na pagpatay, matapos matunton sa kanilang pinagtataguan sa Brgy. Malinta, kahapon ng umaga.
Ayon kay Valenzuela Acting Police Chief P/Col. Relly Arnedo, nag-ugat ang operasyon matapos makatanggap ng tip ang pulisya na muling nagbalik sa lungsod sina alyas “Dodoy”, 53, at alyas “Rey”, 55 — parehong tubong Sorsogon City at matagal nang nagtatago sa Bicol Region.
Agad na kumilos ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section at matagumpay na naaresto ang dalawa bandang 9:40 ng umaga sa Agustin St., Brgy. Malinta. Hindi na umano nakapalag ang mga suspek nang isilbi sa kanila ang warrant of arrest na inilabas ng Valenzuela RTC Branch 172 noong Nobyembre 26, 2024.
Walang piyansang inirekomenda para sa mabigat na kasong Murder na kinakaharap ng dalawang suspek.
Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Josefino Ligan ang mabilis na kilos ng Valenzuela PNP.
“Ito ay patunay na walang ligtas na taguan ang mga kriminal sa Camanava area,” diin pa ng opisyal.
ABANGAN: Sasampahan na ng kaukulang kaso ang dalawang pugante habang patuloy ang imbestigasyon sa iba pa nilang posibleng naging kasabwat.
More Stories
Si Kap. Benson Conde, ang “Vico Sotto” ng Barangay San Andres
JOSHUA PACIO WINAKSI SI BROOKS SA BRUTAL NA PARAAN
10-TAONG GULANG NA BATA, PATAY SA TULI