January 28, 2025

2 PINOY NAKATAKDANG BITAYIN SA AMERIKA

Dalawang Filipino na kabilang sa 124 na dayuhang nakatakdang bitayin, ayon sa datos ng Death Penalty Information Center.

Lumalabas sa website ng DPIC na ang pinakamalaking bilang ng mga dayuhan na hinatulan ng kamatayan ay galing sa Mexico na may 50 indibidwal, sinundan ng Cuba at Vietnam na may tig-walong mamamayan.

Sa ASEAN region ay may 4 mula sa Cambodia, tig-dalawa sa Laos at Pilipinas.

Habang ang natitira naman ay mula sa iba pang bansa na may isa hanggang limang mamamayang nahatulan ng parusang kamatayan.

Kinilala ng DPIC website ang dalawang Pinoy na sasalang sa parusang kamatayan na sina Sonny Enraca ng California at Ralph Simon Jeremias ng Nevada.

Ayon sa ulat, nahatulan si Enraca ng kamatayan sa Riverside Country noong Hulyo 23, 1999 dahil sa pamamaril sa aktor na gumanap sa “Boyz N the Hood” movie.

“Si Enraca, isang Filipino na nanirahan sa United States sa loob ng walong taon, ay myembro ng Akrho Boys Crazzy (ABC) gang, na kasamahan ng Bloods. Noong una’y itinanggi ni Enraca na sangkot siya sa pamamaril subalit inamin din niya matapos maaresto,” ayon sa ulat ng mycrimelibrary.com.

Ayon naman sa Las Vegas Review Journal, ang ikalawang Filipino ay si Ralph Simon Jeremias ay nahatulan din dahil sa “execution-style” na pamamaril kina Paul Stephens at Brian Hudson noong 2009.

Ikinatwiran ni Jeremias na patay na ang mga biktima nang dumating siya sa apartment complex upang bumili ng marijuana. Pero pinabulaanan ito ng kanyang kaibigan at sinabing pinasok ni Jeremias ang gusali na nag-iisa at binaril ang dalawang lalaki ng ilang beses, ayon sa news report.

Ayon sa DPIC, itinuturing na banyaga ang mga indibidwal na walang  U.S. citizenship, kabilang na ang mga turista at bumibisita lamang sa America, migrant workers na may temporary permit, resident aliens, undocumented aliens, asylum-seekers, at persons in transit.

Unti-unting tumatamlay ang suporta ng mamamayan sa US sa parusang kamatayan dahil na rin sa maraming kaso ng mga nagkamaling sentensiya, at sa paglobo ng bilang ng mga Black Americans na napapatawan ng capital punishment. Ito ang nagtulak sa ilang estado sa US para tuluyang ibasura ang death penalty.

Lima ang pangunahing pamamaraan ng pagbitay sa America: pagbigti, pagkoryente,  gas chamber, firing squad, at lethal injection.