November 19, 2024

2 PINOY DOCTORS NAKATAKAS SA GAZA

IPAPADALA sa kanilang bagong deployment ang dalawang doktor na Pinoy bilang miyembro ng Doctor Without Boarders matapos makaalis sa Gaza Strip nang maipit sa kaguluhan sa pagitan ng Israel at Hamas.

“We salute them because that’s a very noble organization, a Nobel Peace Prize winner. They sent doctors, medical workers everywhere in the world,” saad ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega sa isang panayam.

Ang dalawang doktor na nauna ay kabilang sa 136 Pinoy sa Gaza na pinayagang makaalis sa kinubkob na teritoryo ng Palestinian matapos sumiklab ang gulo noong Oktubre.

Naglunsad ng surprise attack ang Hamas, isang militanteng grupo na namamahala sa Gaza, laban sa Israel noong Oktubre 7, na ikinamatay ng higit 1,400 katao.

Ang Tel Aviv ay naglunsad ng walang humpay na kampanya laban sa Hamas bilang tugon sa sorpresang pag-atake.

Bagama’t layon ng Israel na pulbusin ang Hamas, libo-libong sibilyan – karamihan ay mga bata – ang napatay sa mga airstrike kung saan naging target din maging ang kampo ng mga refugee.