November 17, 2024

2 PINAY NA BIKTIMA NG HUMAN TRAFFICKING SINASABOG SA DROGA, BAGO ILAKO NG SINDIKATO

Ibinunyag ng Bureau of Immigration (BI) ang sinapit ng dalawang Pinay sa sindikato ng human trafficking makaraang sapilitan silang pinagamit ng iligal na droga at saka ibinebenta sa sex trade sa Malaysia.

Ito ang inihayag ni BI Commissioner Norman Tansingco makaraang masagip at maibalik na sa bansa ang dalawang biktima.

Ayon sa isang biktima, nakilala niya ang kaniyang recruiter sa Facebook at nagawa siyang mapalipad sa Malaysia nang walang binabayaran makaraang pagpanggapin na magtatrabaho bilang domestic helper.

Pagdating sa Malaysia, ibang trabaho pala ang naghihintay sa kaniya kung saan doon na siya sapilitang pinagtrabaho ng sindikato bilang sex worker, para mabayaran umano ang utang niya na aabot sa P150,000. Pinangakuan naman ang ikalawang biktima na makakapagtrabaho bilang waitress na may sahod na P40,000 kada buwan, pero ginawa din siyang sex worker matapos sapilitang pagamitin ng ilegal na droga.