Kinumpirma ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas na umabot na sa dalawa ang namatay habang 96 naman ang isinugod sa ospital matapos makalanghap ng amoy mula sa ammonia na tumagas sa isang ice plant sa lungsod.
Kinumpirma muli ni Mayor Toby Tiangco na may isa pang namatay sa ammonia leak sa TP Marcelo Ice Plant and Cold Storage sa R-10, Brgy. NBBS.
Kinilala ng alkalde ang isa pang nasawi na si Joselito Jazareno, 54, residente ng Malabon at electrician ng kompanya na nakita ang kanyang bangkay malapit sa lugar ng sumabog na surge tank.
Ayon sa City Disaster Risk Reduction and Management Office, umabot sa 96 ang dinala sa mga ospital, kabilang na si Gilbert Tiangco na namatay din dahil sa insidente.
“Lahat po ng medical expenses ng mga pamilyang apektado ay babalikatin ng kompanya. Kasalukuyan pong nakasara ang ice plant at pabubuksan lamang po natin ito kapag naisagawa na nito ang safety measures alinsunod sa mga rekomendasyon ng Bureau of Fire Protection” pahayag ni Mayor Toby.
“Sa panig ng ating pamahalaang lungsod, magbibigay po tayo ng counselling para sa mga residenteng na-trauma dahil sa insidente. Ipapacheck din po natin sa BFP at Sanitation Officers ang iba pang mga ice plant at cold storage sa lungsod kaugnay ng kanilang Occupational Safety Standards and Environmental Compliances” dagdag niya.
Nabatid na dakong alas-4 noong Miyerkules ng hapon nang magkagulo ang mga residente sa naturang lugar matapos umalingasaw ang amoy ng ammonia leak.
Personal namang nagtungo sa lugar si Navotas Cong. John Rey Tiangco para alamin ang sitwasyon at tinatayang aabot ng 2-3 oras bago humupa ang amoy sa lugar kaya nagpahanda ang Tiangco brothers ng food packs sa CSWDO para sa mga apektadong residente. Nagpasalamat din ang magkapatid na Tiangco sa lahat ng mga tumulong, lalo na ang mga volunteers sa lungsod at mga kapit-lungsod na nagpadala ng mga ambulansya at fire truck.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA