May 16, 2025

2 patay, 5 sugatan sa sunog sa Caloocan

TODAS ang dalawang katao, habang lima ang sugatan sa naganap na sunog na tumupok sa 70-kabahayan at establisimiento sa Caloocan City, Miyerkules ng hapon.

Unang nakita ang bangkay ng 62-anyos na lalaki na nagpapagaling pa lamang matapos sumailalim sa operasyon sa ulo, habang Huwebes na ng umaga nahukay ang labi ng 16-anyos na dalagitang estudyante na na-trap din sa loob ng nasunog na tirahan sa Natividad St. Brgy. 81.

Sugatan naman ang lima pa, kabilang ang isang fire volunteer na nakuryente at dinala sila sa MCU Hospital para magamot.

Sa ulat ng Caloocan Bureau of Fire Protection, nagsimula ang sunog ng alas-4:49 ng hapon sa bahay ng isang alyas “Melanie”, negosyante ng prutas at may-ari rin ng inuupahang bahay ng nasawing lalaki.

Mabilis ang pagkalat ng apoy dahil bukod sa hindi kaagad makapasok ang mga bumbero sa napakasikip ng lugar, dikit-dikit din ang mga kabahayan na karamihan ay gawa sa light materials dahilan upang itinaas ang sunog sa ikalawang alarma.

Bandang alas-6 ng gabi nang ideklarang kontrolado na ang sunog bago tuluyang maapula ng alas-9:57 ng gabi.

Aabot sa 90 pamilya ang nawalan ng tirahan na ngayon ay pansamantalang nasa covered court ng barangay kung saan sila pinadalhan ng mga pangunahing pangangailangan ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan.

May hinala na naiwang naka-charge na cellphone ang sanhi ng pagsiklab ng apoy na tumupok sa tinatayang P300,000 halaga ng mga ari-arian.

Patuloy naman ang pagsisiyasat ng arson investigators matapos matuklasan na karamihan sa mga kabahayan ay gumagamit ng jumper sa kanilang kuryente.