January 24, 2025

2 PAF PILOT PATAY (Air Force plane bumagsak)

Patay ang dalawang piloto ng Philippine Air Force (PAF) matapos bumagsak ang kanilang eroplano sa Pilar Bataan, Miyerkules ng umaga.

Kinilala ang mga biktima na sina Captain Jhon Paulo Aviso at Captain Ian Gerru Pasinos.

Ayon kay PAF spokesperson Col. Ma. Consuelo Castillo, dakong alas-10:00 ng umaga nang lumipad ang SF260TP Marchetti aircraft na may tail number 701 sa Danilo Atienza Air Base sa Sangley Point, Cavite City para sa recurrency o training flight ng mga piloto.

“At around 10:40 a.m., the aircraft was reportedly seen to be descending to a field in Sitio Tabon, Brgy. Del Rosario, Pilar, Bataan where it eventually crashed,” saad niya.

Saad ni Castillo, wala namang naitalang namatay na sibilyan sa nangyaring pagbulusok.

Kitang-kita umano ng mga residente sa lugar ang mabilis na pagbulusok ng aircraft sa kabukiran ng Sitio Tabon sa Barangay Del Rosario.

Kaagad namang nagtungo sa crash site ang mga tauhan ng Pilar Municipal Police Station at ang 2nd Police Mobile Force Company kung saan nakita nila ang dalawang piloto na nakalupaypay ang katawan sa cockpit ng eroplano.

Dinala na ang labi ng mga ito sa Martinez Funeral Homes sa Pilar, Bataan.

Habang iniimbestigahan na ng PAF ang posibleng dahilan ng plane crash.