December 26, 2024

2 ‘pabayang’ abogado ng NIA kinasuhan sa Ombudsman

Nagsagawa ng press briefing sina National Irrigation Administration (NIA) Administrator Benny Antiporda (kaliwa) at Senior Deputy Administrator Atty. Eryl Royce Nagtalon ngayong araw.  Anila, dahil sa kapabayaan ng dalawang abogado ng NIA, nawalan ang ahensya ng halagang P205,958,119.77 at hindi lamang umano ang ahensya ang nawalan dito kundi ang gobyerno at ang publiko. (Kuha ni ART TORRES)

SINAMPAHAN ng kasong kriminal at administratibo ng pamunuan ng National Irrigation Administration (NIA) ang sariling acting legal chief at isa pang abogado ng ahensya sa Office of the Ombudsman bunsod sa pagpapabaya nito sa kanilang trabaho.

Kinasuhan sina Acting Manager of Legal Services Atty. LLoyd Allain A. Cudal at Atty. Mary Annabelle F.Cruz-Domingo, kapwa abogado ng Legal Services Department ng NIA, ng Gross Inexcusable Negligence na mas kilala bilang Anti-Graft and Corrupt Practices Act, paglabag sa Standards of Professionalism na mas kilala bilang Code of Conduct of Public Officials and Employees, Inefficiency and Incompetence na mas kilala bilang Administrative Code of 1987 at ang Gross Ignorance of the Law, Gross Neglect of Duty and Grave Misconduct in the performance of official duties.

Ayon kay NIA Administrator Benny Antiporda dahil sa kapabayaan ng dalawang abugado, P205,958,119.77 ang babayaran ng NIA kung saan pera ng taumbayan ang gagamitin dito.

Iginiit ni Antiporda na natalo ang NIA sa Green Asia Construction Corporation dahil sa technicality at hindi sa merito ng kaso.

Dahil dito, nahihirapan na ang NIA na iapela pa ang nasabing kaso kaya’t kinakailangan nila na bayaran ang nasabing kompanya na naghain ng reklamo dahil sa kinansela ang kontrata sa rehabilitasyon ng Upper Pampanga River Integrated Irrigation Systems.

Dagdag pa ni Antiporda, tila mayroong motibo ang dalawang abogado kaya hinayaan na lang nila na matalo ang NIA sa kaso. Kaugnay nito, ipinapaubaya na lang nila sa Ombudsman ang desisyon kung saan inihayag pa ni Antiporda na may ilang tauhan pa ng NIA ang kanilang iniimbestigahan dahil sa ilang mga katiwalian.