January 28, 2025

2 negosyante na wanted sa estafa, timbog sa Malabon

ARESTADO ang dalawang negosyante na wanted sa kasong estafa sa isinagawang manhunt operation ng pulisya sa Malabon City.

Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Amante Daro ang naarestong mga akusado bilang sina Paolo Lexter Timbol, 32, negosyante at Rinalyn Preclaro, 27, negosyante, kapwa residente ng D-14 Road 4 Don Julio Gregorio St., Novaliches Quezon City.  

Ayon kay Col. Daro, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Malabon police na naispatan ang presensiya ng mga akusado sa Brgy. Tinajeros ng lungsod.

  Aniya, alinsunod sa kampanya ng PNP kontra wanted persons, kaagad nagsagawa ng manhunt operation in relation to SAFE NCRPO ang mga operatiba ng WSS sa pangunguna ni PCMS Edwin Castillo sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Major Patrick Alvarado na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga akusado sa Goldendale Brgy. Tinajeros dakong alas-2:35 ng hapon.

  Ang mga akusado ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong Nobyembre 2, 2022 ni Judge Maya Joy Panaga Guiyab-Campasanto ng Metropolitan Trial Court (MTC) Branch 120, Malabon City para sa kasong Estafa (3 counts) at may inirekomendang piyansa na P18,000 bawat kaso para sa kanilang pansamantalang kalayaan.