January 24, 2025

2 NALITSON SA SUNOG SA PASAY

Patay ang dalawang katao habang tatlong bombero ang sugatan matapos maipit sa bahay na gumuho kasunod ng isang sunog sa Pasay City ngayong Lunes ng umaga.

Nagsimula ang sunog dakong alas-5:00 ng umaga sa Tramo sa Barangay 43.

Ayon Fire Superintendent Jay Bernard Peñas, hepe ng Bureau of Fire Protection – Pasay, magkasunod na natagpuan ang bangkay nina Cindy Navarro, 29 at Lynn
Eboña, 39.

Nabatid na hindi nakalabas sa nasusunog na bahay ang dalawang babae nang may balikang gamit.

Nailigtas naman ni Navarro ang kanyang anak na sanggol matapos ibato sa kanyang asawang nakalabas ng gusali.

Sugatan naman ang tatlong fire volunteer na sina Aeron Aldaba, Rommel Ocenar, Aubrey Mae Bertus nang mabagsakan ng bahagi ng pader mula sa bahay.

Mabilis itinaas sa ikalawang alarma ang responde dahil nasa looban ng residential area ang pinagmulan ng apoy.

Nagtulungan na rin ang mga kapitbahay sa pag-apula sa sunog mula sa mga bubong.

Kinailangan ding umakyat ng mga bombero para maabot ang nasusunog na bahay.

Dagdag ni Peña, mahina na rin ang mga istruktura kaya may mga gumuhong bahay.
Aabot sa P300,000 ang halaga ng natupok at aabot sa 30 pamilya ang apektado.

Patuloy ang imbestigasyon sa pinagmulan ng apoy.