December 26, 2024

2 nagpanggap na taga Maynilad, isinelda sa pangongotong

SHOOT sa kulungan ang isang factory worker at kasabuwat na ginang matapos masakote sa isinagawang entrapment operation ng pulisya nang takutin at kikilan ang 65-anyos na fish vendor hinggil sa umano’y pag-tamper sa metro ng tubig sa kanyang tirahan sa Navotas City.

Unang naaresto nina P/Capt. Luis Rufo, hepe ng Intelligence Section ng Navotas police, kasama ang mga tauhan ni P/Lt. Jerome Espinas, deputy commander ng Navotas Police Sub-Station 3 si Ralph Vincent Bernardo, 37 ng 1244 Sto Niño St., Moriones Brgy 43, Tondo, Manila dakong alas-4:50 ng hapon sa loob ng sangay ng Jollibee sa Agora, Brgy. NBBS, matapos tanggapin ang P45,000.00 na markadong salapi na kinabibilangan ng limang P1,000 genuine bill at 40-pirasong P1,000 boodle money.

Sa follow-up operation ng pulisya, nadakip si Jacqueline Ti, 45 sa kanyang tirahan sa 920 Sister Concepcion St. Tondo makaraang inguso na siya ni Bernardo.

Sa ulat ni Navotas police chief P/Col. Allan Umipig kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Ponce Rogelio Penones, Jr. nagtungo sa bahay ng biktimang si Gilbert Ramirez sa 702 M. Naval St. Brgy. Navotas East sina Bernardo at Ti noong Abril 2 na kapuwa nagpakilalang kawani ng Maynilad Water Services at sinabihan ang biktima na magbayad ng P50,000.00 bilang multa sa ginawang pag-tamper ng kanilang water meter.

Natakot si Ramirez kaya’t nagbigay ng pang-unang bayad na P5,000 subalit sinabihan siya ng dalawa na mabubura lamang ang pagbabayad niya ng multa at pagsasampa ng kaso laban sa kanya kung ibibigay ang balanse na P45,000 hanggang Abril 15, 2023, na inayunan ng biktima.

Gayunman, nagpasiyang magsumbong sa pulisya si Ramirez kaya iniutos ni Col. Umipig ang pagsasagawa ng entrapment operation laban sa dalawa na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.

Sinabi nina P/SSgt. Billy Godfrey Aparicio at P/SSgt Reysie Peñaranda, kapwa may hawak ng kaso, na inihahanda na nila ang mga dokumento para sa paghahain ng kasong Robbery Extortion laban sa dalawa sa Navotas City Prosecutor’s Office.