January 23, 2025

2 MWP nasakote sa Malabon at Valenzuela

ILANG araw makaraang ilabas ng hukuman ang warrant of arrest, kaagad naaresto ng pulisya ang dalawang lalaki na listed bilang most wanted sa magkahiwalay na manhunt operations sa Malabon at Valenzuela Cities.

Ayon kay Malabon police chief P/Col. Amante Daro, hindi na nakapalag nang posasan ng mga tauhan ni P/Capt, Archie Arceo, Commander ng Tugatog Police Sub-Station 2 ang akusadong si Vicente Samuel Gatan, 43, binata at residente ng 101 Acero St. Brgy. Tugatog, makaraang matunton ng mga pulis sa Crispin St. Brgy, Tinajeros bago mag-alas-12 ng tanghali.

Dinakip si Gatan ng mga pulis sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Malabon Regional Trial Court (RTC) Judge Ma. Antonia Linsangan Largoza-Cantero ng Branch 291 nitong Abril 18, 2023 para sa kasong robbery with violence or intimidation of persons na nasa ilalim ng Article 294 ng Bagong Kodigo Penal.

May inilaan namang kaukulang piyansa ang hukuman na nagkakahalaga ng P100.000.00 kay Gatan para sa kanyang pansamantalang paglaya habang dinidinig sa korte ang usapin.

Sa Valenzuela, nadakip naman ng mga operatiba ng Detective Management Unit (DMU) sa manhunt operation sa Pacheco Compound, Brgy. Pasolo, dakong ala-1:20 ng hapon si Joseph Pacheco, 43, residente sa nasabing lugar.

Ani Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura Jr, si Pacheco ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Valenzuela City RTC Judge Orven Kuan Ontalan ng Branch 285, nitong April17, 2023, para sa paglabag sa Sec. 5 & Sec. 11, Art. II of R.A. 9165 – Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.