January 27, 2025

2 most wanted sa rape at murder, nalambat sa Caloocan at Valenzuela

KULUNGAN ang kinabagsakan ng dalawang most wanted persons matapos masakote sa magkahiwalay na manhunt operation ng pulisya sa Caloocan at Valenzuela Cities.

 Ayon kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Ponce Rogelio Peñones Jr, alinsunod sa kampanya ng PNP kontra wanted persons, nagsagawa ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Caloocan police sa pangunguna ni P/Major Jeraldson Rivera, kasama ang 4th MFC RMFB, NCRPO ng joint manhunt operation sa Araya St. Dolmar 2. Golden Hills Subdivision  Brgy. 168, Deparo 1, Caloocan City na nagresulta sa pagkakaaresto sa isang most wanted person dakong alas-4:30 ng madaling araw.

Kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang naarestong akusado bilang si Cebastian James Biglang-Awa. 19 ng Barangay 168, Deparo 1, ng lungsod.

Si Biglang-Awa ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Rosalia I. Hipolito-Bunagan ng Regional Trial Court (RTC) Branch 232, Caloocan City para sa kasong Rape.

Sa Valenzuela, natimbog din ng mga operatiba ng WSS ng Valenzuela police sa pangunguna ni PLt Ronald Bautista sa manhunt operation in relation to SAFE NCRPO sa McArthur High-way, Barangay Karuhatan dakong alas-3 ng hapon ang isa pang most wanted person na kinilala bilang si Melvin Magnifico, 54 ng Lot 5 Blk. 10 Phase 5, PerIsland Malinis Street, Brgy. Lawang Bato.

Ani Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura Jr, si Magnifico ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong March 7, 2017 ni Judge Maximino R. Ables ng Regional Trial Court (RTC) Branch 47, Masbate City para sa kasong Murder at walang inirekomendang piyansa ang korte para sa kanyang pansamantalang kalayaan.