January 22, 2025

2 most wanted persons ng Valenzuela, nalambat sa Southern Leyte

BUMAGSAK na sa kamay ng mga awtoridad ang dalawang lalaki na kabilang sa mga most wanted persons ng Valenzuela City matapos silang makorner sa pinagtataguan nilang lugar sa Southern Leyte.

Ayon kay Valenzuela City Police Chief P/Col. Nixon Cayaban, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa pagtatago sa Southern Leyte ng No. 1 at No. 2 most wanted persons sa kanilang lungsod na sangkot sa karumal-dumal na krimen.

Agad inatasan ni Col. Cayaban si P/Major Randy Llanderal, hepe ng Station Intelligence Section (SIS) na bumuo ng team para sa isasagawang pagtugis sa mga akusado sa naturang lalawigan.

Alas-11:45 ng gabi nang masukol ng mga tauhan ng SIS, katuwang ang mga tauhan ng Tomas Oppos Municipal Police Station, ang mga akusadong sina alyas “Jelson”, 42, at kaanak niyang si alyas “Anthony”, 28, sa Brgy. Bogo, Tomas Oppos, Southern Leyte kung saan sila nagtago.

Dalawa pa nilang kaanak na sina alyas “Cesar” at alyas “Raffy” ang tinutugis pa ng pulisya na kasama rin ng dalawa nang isagawa ang krimen.

Ang mga akusado ay dinampot ng pulisya sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Valenzuela City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Evangeline Mendoza Francisco ng Branch 270 na may petsang Disyembre 22, 2020 para sa kasong murder at walang inilaang piyansa para sa kanilang pansamantalang paglaya.

Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan ang mga tauhan ng Valenzuela Police sa kanilang pagsisikap na hanapin ang mga taong wanted na nagresulta sa pagkakadakip sa mga akusado.