December 25, 2024

2-MONTH-OLD BABY NALUNOD SA ILOG (Nahulog sa ilalim ng tulay habang tulog ang pamilya)

KAAWA-AWA ang sinapit na kamatayan ng dalawang buwang gulang na babaeng sanggol matapos mahulog sa siwang ng kanilang barong-barong sa ilalim ng isang tulay kamakalawa ng gabi sa Malabon City.

Natuklasan lamang ng pamilya ng nasawing sanggol na si Zoey Joy Bonifacio ang insidente nang magising sila dakong alas-11:30 ng gabi dahil sa ingay ng likha ng mga nagkakagulong tao na pawang mga naninirahan din sa ilalim ng tulay ng Estrella St. Brgy. Tanong.

Nang lumabas ng barong-barong si Mary Joy Bonifacio, ina ng sanggol, laking gulat niya nang makita ang anak na nakalutang na sa ilog at wala ng buhay.

Kaagad namang lumusong sa ilog ang ama ni Mary Joy sa pag-asang mailigtas pa ang apo subalit wala nang buhay ang bata nang maiahon.

Sa pahayag ng ina ng biktima sa Malabon Police Women and Children’s Protection Desk (WCPD), katabi niya ang anak, pati na ang kanyang mga magulang sa pagtulog sa kanilang tirahan sa ilalim ng tulay, nang magising sila na wala na ang sanggol.

Ayon kay P/Capt. Andres Victoriano, duty desk officer ng Malabon police, posibleng nahulog mula sa siwang ng tirahan ang sanggol ng hindi namamalayan ng kanyang ina, lolo at lola kaya’t bumagsak at nalunod sa ilog.

Sinabi ni Mary Joy na hindi nila kaagad nagawang i-report sa pulisya ang insidente dahil sa labis na pagkabigla at pagdadalamhati, bukod pa sa pangambang makasuhan ng pagpapabaya na dahilan ng pagkasawi ng sanggol.

Nakarating lamang sa kaalaman ng Malabon Police Sub Station 3 ang pangyayari pasado alas-9 na ng umaga ng Sabado nang ipabatid ito ng 65-anyos na vendor na si Myrna Esponilla na naninirahan din sa ilalim ng Estrella bridge.