November 5, 2024

2 menor de edad na-rescue, tulak timbog sa P170-K shabu

NADAMBA ang isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga habang dalawang menor de edad ang na-rescue sa buy-bust operation ng pulisya sa Navotas City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Navotas police chief Col. Rolando Balasabas ang naarestong suspek na si Rowel Magbanua alyas Toto, 38, ng V Cruz St. Brgy. Tangos.

Ayon kay Col. Balasabas, ala-1:55 ng madaling araw nang isagawa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLT Genere Sanchez ang buy bust operation kontra kay Magbanua sa Ignacio St. Brgy. BBN kung saan isang undercover police na nagpanggap na poseur buyer ang nagawang makabili sa suspek ng P500 halaga ng shabu.

Nang tanggapin ng suspek ang marked money mula sa poseur buyer kapalit ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba habang narescue naman ng mga pulis ang dalawang menor de edad.

Nasamsam sa suspek ang aabot sa 25 gramo ng shabu na tinatayang nasa P170,000.00 ang halaga ng shabu, P500 cash at buy bust money.

Dinala sa Bahay Pag-asa ang dalawang narescue na menor-de-edad habang kinasuhan naman ng pulisya ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 si Magbanua sa Navotas City Prosecutors Office.