February 24, 2025

2 lumabag sa ordinansa sa Caloocan, kulong sa P100K droga

SA kulungan ang bagsak ng dalawang durugista nang mabisto ang dala nilang mahigit P100k halaga ng shabu makaraang masita sa paglabag sa ordinansa sa Caloocan City, Linggo ng madaling araw.

 Sa report ng Tuna Police Sub-Station (SS1) kay Caloocan police chief P/Col. Edcille Canals, habang nagsasagawa ng anti-criminality operation sa Kawal St., Brgy., 28, nang maaktuhan nila ang dalawang lalaki na nagyoyosi sa pampublikong lugar dakong alas-3:00 ng madaling araw.

Nang lapitan nila para isyuhan ng Ordinance Violation Receipt (OVR), pumalag ang mga suspek at kumaripas ng takbo para tumakas kaya hinabol sila ng mga pulis hanggang sa magawang makorner at maaresto.


Nang kapkapan ang 27-anyos na mason at 32-anyos na electrician na kapwa residente ng lungsod, nakuha sa kanila ang tig-isang plastic sachets na naglalaman ng 15 grams ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P102,000.


Kasong paglabag sa Article 151 of the Revised Penal Code (Resistance and Disobedience to a Person in Authority), at RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) isinampa ng mga tauhan ni Col. Canals laban sa mga suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office.


Binati ni PCOL Josefino Ligan, Acting District Director ng NPD, ang Caloocan police sa kanilang mabilis at estratehikong pagsasagawa ng operasyon.


Aniya, ang NPD ay nanatiling nakatuon sa misyon nito na panatilihin ang kapayapaan at kaayusan sa pamamagitan ng pagpapaigting ng mga operasyon laban sa droga at pagpapalakas ng ugnayan sa komunidad.