November 3, 2024

2 lumabag sa curfew arestado sa shabu sa Malabon

Bagsak sa kulungan ang dalawang lalaki matapos makuhanan ng shabu makaraang masita ng mga awtoridad dahil sa paglabag sa cufew hours sa Malabon city, kahapon ng madaling araw.

Nahaharap sa kasong Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Art II of RA 9165 ang dalawang nadakip na kinilalang si Roy Gomez, 26 at Owen Olarte,18, vendor, kapwa ng Galicia St., Bangkulasi, Navotas City.

Batay sa ulat ni PSSg Salvador Laklaken Jr, kay Malabon police chief Col. Albert Barot, dakong alas-2 ng madaling araw, nagpapatrulya ang mga tanod ng Barangay Longos sa pangunguna ni PCpl Abdulrahim Ampatua ng Sub-Station 5 sa kahabaan ng Hiwas St., Brgy., Longos nang maispatan nila ang mga suspek na gumagala sa lugar.

Sinita nila ang dalawa para isyuhan ng Ordinance Violation Receipt para sa paglabag sa curfew hours subalit, tumakbo at tinangkang tumakas ng mga suspek na naging dahilan upang habulin sila ng mga arresting officers hanggang sa makorner.

Nang kapkapan, nakumpiska sa mga suspek ang dalawang plastic sachets na naglalaman ng humigit-kumulang sa .67 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P4,692.00 na naging dahilan upang arestuhin ang mga ito. (JUVY LUCERO)