September 24, 2024

2 lalaki sugatan sa magkahiwalay na pamamaril sa Caloocan

SUGATAN ang dalawang lalaki sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa Caloocan City.

Kapuwa nagpapagaling sa Tala Hospital ang mga biktimang sina alyas “Jeffrey” 36, ng Lawin St. Pangarap Village, na nagtamo ng tama ng bala sa bahagi ng dibdib at leeg at alyas “Moamar” 34, ng Lot 8 Phase 12, Brgy 188, sanhi naman ng tinamong tama ng bala sa tiyan.

Sa ulat ng tanggapan ni Caloocan police chief P/Col. Paul Jady Doles, dakong alas-4:15 ng hapon nang pagbawalan umano ni ‘Jeffrey’ ang suspek na si alyas “Edmar Bagyo” residente ng Dolfin St. Brgy. 181, na pumasok sa bahay ng kanyang kaibigan sa Rosal St. na ikinarita ng huli.

Umalis ang suspek at makalipas ang ilang sandali at bumalik ito na armado na ng kalibre .38 baril asaka binaril ang biktima bago mabilis na tumakas patungo sa hindi nabatid na lugar habang isinugod naman si ‘Jeffrey’ sa naturang pagamutan.

Bandang alas-8:30 naman ng gabi nang barilin ng suspek na si alyas “Kambal”, ng Phase 12, Bry. 188 ang biktimang si ‘Moamar’ habang nakatayo sa gilid ng King Fahad St. sa naturan ding barangay sa hindi pa batid na dahilan bago mabilis din na tumakas sa hindi matukoy na direskyon.

Iniutos na ni Col. Doles sa kanyang mga tauhan ang pagtugis sa mga suspek habang inaalam pa kung anu ang motibo ng mga ito sa pamamaril sa mga biktima.