December 24, 2024

2 lalaki na nasita sa ordinansa, tiklo sa droga

KULUNGAN ang kinabagsakan ng dalawang lalaki nang mabisto ang dalang shabu makaraang takbuhan ang mga pulis na sumita sa kanila dahil sa paglabag sa ordinansa sa Caloocan City.

Sa ulat, habang nagpapatrolya ang mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station (SS-2) sa 2nd Aveune, Brgy. 120 nang makita nila ang dalawang lalaki na nagyoyosi sa pampubliko lugar dakong alas-6:45 ng gabi na malinaw na paglabag sa umiiral na ordinansa ng lungsod.

 Nang lapitan nila para isyuhan ng Ordinance Vilolation Receipt (OVR) ay tumakbo umano ang mga suspek para tumakas kaya hinabol sila ng mga pulis hanggang sa makorner at maaresto.

Nang kakapan, nakumpiska sa mga suspek na sina alyas ‘Ungas’ at alyas ‘Batak’ ang tig-isang transparent plastic sachet na naglalaman ng nasa 8.5 grams ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P57,800.00.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.