LAGLAG sa selda ang dalawang lalaki na magkasunod na nagtangkang magpasok ng shabu sa loob ng Valenzuela City Jail matapos silang maaresto ng mga jail officer sa naturang lungsod.
Ayon sa ulat, dakong alas-5:20 ng hapon nang dumating sa Valenzuela City Jail sa Brgy. Malinta si alyas “Bryan”, 27, ng Quezon City para dalawin ang detainee na si alyas “Angelito”.
Dahil dito, masusing sinuri ng duty jail officer ang dalang pagkain ng suspek na nakalagay sa isang transparent plastic container.
Dito, nadiskubre ang anim na plastic sachets na naglalaman ng nasa 6.2 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P42,160 at dalawang folded aluminum foil strip na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.
Bandang alas-2:15 naman ng madaling araw nang makarinig ng mga sigaw na “May tumatakas” mula sa female dorm ang mga roving jail officer kaya agad silang nagtungo sa 2nd floor at nakita nila ang isang lalaki na tumalon sa ground floor para tumakas.
Agad tinungo ng mga jail officer ang lugar na isang open space sa pagitan ng VCJ at RTC kung saan bumagsak ang suspek at nang sitahin nila ito at aarestuhin ay naglabas ito ng patalim at tinangkang manlaban.
Dahil dito, pinagtulungan siyang arestuhin ng mga jail officer at nakumpiska sa suspek na si alyas “Renato”, 41, ang isang plastic sachet ng umano’y shabu na nagkakahalaga ng P9,316, fan knife (balisong), at P200 cash.
Ayon sa pulisya, ilang linggo pa lamang nang lumaya si ‘Renato’ mula sa VCJ matapos makulong dahil sa ilegal na droga at tinangka umano nitong magpasok ng shabu para sa kanyang ka-kosa sa VCJ dahil bibigyan umano siya nito ng P20,000.
More Stories
PALASYO NAGLABAS NG EO PARA ‘TODASIN’ ANG POGO SA ‘PINAS
CHAMPION ANG TNT SA GOVERNORS CUP!
DOH-W. VISAYAS NAGLUNSAD NG KAMPANYA KONTRA PAPUTOK