November 24, 2024

2 lalaki arestado sa sugal, baril at shabu sa Valenzuela

SHOOT sa selda ang dalawang kelot matapos makuhanan ng baril at shabu makaraang maaktuhan ng mga pulis na naglalaro ng ilegal na sugal sa Valenzuela City.

Kinilala ni P/Capt. Robin Santos, hepe ng Polo Sub-Station (SS-5) ang naarestong mga suspek na sina alyas Jonard, 28, at alyas Jasper, 28, kapwa residente ng Brgy. Coloong.

Sa kanyang report kay Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban, sinabi ni Capt. Santos na nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isang concerned citizen hinggil sa nagaganap umanong illegal gambling activity sa San Francisco Del Monte Subdivision, Brgy. Coloong.

Agad inatasan ni Capt. Santos ang kanyang mga tauhan sa pangunguna nina PSSg Cris Paul Collo at Pat Kenneth Marcos na puntahan ang nasabing lugar na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek dakong ala-1:30 ng madaling araw matapos maaktuhang naglalaro ng sugal na “cara y cruz”.

Nakumpiska nina PSSg Collo at Pat. Marcos sa mga suspek ang tatlong pirasong one-peso copin na gamit bilang “pangara”, P532,00 bet money, dalawang pirasong transparent plastic sachets ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6,120.00, dalawang cellphones at isang kalibre .38 revolver na kargado ng apat na bala na nakuha kay ‘Jonard’.

Ayon kay PMSg Carlito Nerit Jr., mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag PD 1602 (Anti-Illegal Gambling Law) at Section 11 of RA 9165 (Illegal Possession of Dangerous Drugs) habang karagdagan na kasong paglabag sa RA 10591 (Illegal Possession of Firearms and Ammunitions) ang kakaharapin pa ni ‘Jonard’.