November 17, 2024

2 labandera tiklop sa P3.4-M shabu

ARESTADO ng mga operatiba ng Caloocan Police SDEU sa pangunguna ni P/Capt. Joel Guimpatan at  P/Capt. Danilo Esguerra, Jr. ang dalawang labandera na tulak umano ng droga na si Mary Jane Malabanan, 49, at Grace Palacio, 48, sa buy-bust operation sa 278 Bayanihan St Brgy. 159, Caloocan city. Narekober sa kanila ang aabot sa 500 gramo ng hinihinalang shabu na nasa P3.4 milyon ang halaga at P70,000 buy-bust money.  (RIC ROLDAN)

NASAMSAM ang mahigit sa P3 milyon halaga ng shabu sa dalawang labandera na bigtime umanong tulak ng ilegal na droga matapos maaresto sa isinagawang buy-bust operation ng mga pulis sa Caloocan city, Linggo ng gabi.

Kinilala ni Northern Police District (NPD) Director P/Brig. Gen. Ronaldo Ylagan ang naarestong mga suspek na si Mary Jane Malabanan, 49 ng 278 Bayanihan St. Brgy. 159 at Grace Palacio, 48, ng East Libis Baesa, Brgy. 160, Sta Quiteria.

Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Dario Menor, bandang alas-11:20 ng gabi nang isagawa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Capt. Joel Guimpatan at P/Capt. Danilo Esguerra, Jr. ng Sub-Station 6 sa harap ng bahay ni Malabanan.

Kaagad dinamba ng mga operatiba ang mga suspek matapos bentahan ng isang medium size knot tied transparent plastic bag ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer kapalit ng P70,000 marked money na binubuo ng dalawang tunay na P1,000 bill at 68 piraso ng 1,0000 boodle money.

Nakumpiska ng mga operatiba sa mga suspek ang aabot sa 500 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price P3,400,000 ang halaga, at buy-bust money. Kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang isinampa ng pulisya kontra sa mga suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office.