NAIBALIK na ang ninakaw na obra ni Fernando Amorosolo.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, narekober ang 1936 masterpiece ng national artist na may titulong “Mango Harvesters” na ninakaw sa Hofileña Museum sa Silay, City, Negros Occidental noong nakaraang linggo.
Aniya, nagkaroon ng entrapment operation para mahuli ang taong sangkot umano sa pagbebenta ng napakahagalang painting sa halagang P3.5 milyon, matapos makatanggap ng tip mula sa isang “Atty. Ching.”
Isinagawa ang entrapment operation kahapon sa Tomas Morato sa Quezon City, na nagresulta sa pagkaaresto kina Ritz China Ching at Donecio Somaylo, na umano’y nagdala ng ninakaw na obra para i-deliver.
Dinala na ang dalawang suspek sa Bureau of Corrections at isinailalim sa inquest.
Walumpu’t walong taon na ang “Mango Harvesters,” na ipininta noong 1936 ni Amorsolo, na tinaguriang “Pambansang Alagad ng Sining.”
Pagmamay-ari na ito ngayon ng namayapang si Ramon Hofileña.
Dinala nitong Biyernes ang naturang painting sa National Museum of Fine Arts upang ipa-authenticate kung ito nga ang ninakaw na obra ni Amorsolo.
Sinukat at sinipat ang kulay nito, maging ang technique sa pagpipinta at pirma ni Amorsolo at taon noong nilikha ito.
“It’s really in the style and appearance. So it has really no problem at all. I’m very comfortable with telling you and everyone that this is the missing painting,” sabi ni Jeremy Robert Barns, Director General ng National Museum of the Philippines.
Laking tuwa at ipinagpasalamat ng National Museum na nabawi na ito mula sa mga suspek.
Nagbigay na rin ang National Museum ng certification sa NBI na nagpapatunay na ito ang nawawalang obra ni Amorsolo, na may tinatayang nasa P8 milyon hanggang P12 milyon.
“Every theft of an artwork lalo na from a museum or from a public place, it’s really the loss of our heritage. So it’s a loss for all of us, lalo na itong mga art na historically significant pieces like the work of our first National Artist, si Amorsolo,” sabi ni Barns.
Nakatakdang ibalik sa may-ari ang naturang painting.
More Stories
Para sa kabataan, Sexuality Education suportado ng DepEd
Cotabato City mayor, 4 iba pa, kinasuhan ng pandarambong
P10.5-M ALAHAS, GADGETS AT PERA NILIMAS NG MGA NAGPANGGAP NA GOV’T EMPLOYEE SA LAGUNA