Patung-patong na kaso ng tax evasion ang kinakaharap sa mga korte sa Quezon City ng dalawang korporasyon dahil sa pagbebenta at pagbili ng pekeng resibo.
Ang kaso ay inihain ng Department of Justice (DOJ) at Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Quezon City Regional Trial Court at Metropolitan Trial Court laban sa Decarich Supertrade Incorporated at Redington Corporation.
Batay sa information na inihain sa mga korte, nag-i-imprenta ng mga pekeng resibo ang dalawang korporasyon na kanilang ipinagbibili sa maraming korporasyon upang makaiwas sa pagbabayad ng tamang buwis.
Kabilang din sa mga nasampulan nang paglabag sa National Internal Revenue Code ay ang limang opisyal at accountant ng mga korporasyon.
Bukod sa tax evasion, kinasuhan din ng failure to file tax returns, failure to supply correct information in tax returns at making false report in audited financial statements.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., ito ang unang kaso na naihain sa mga korte ng DOJ laban sa ghost receipts sellers at buyers at ito ay masusundan pa.
“Magiging tuloy-tuloy ang pagsampa ng kaso laban sa both sellers and buyers ng fake receipts at tinutukan na ito sa DOJ.”
Sa pagtaya ng BIR, umabot sa P25.5-B na kita ng gobyerno ang nawala mula 2019 hanggang 2021 dahil sa mga paglabag ng mga akusado.
Samantala, kinumpirma rin ni Lumagui na ipinagharap ng BIR ng reklamo sa DOJ kamakailan ang cosmetic brand na Ever Bilena dahil sa paggamit ng pekeng resibo mula sa Decarich para hindi makapagbayad ng tamang buwis.
Sinabi ng BIR na desidido silang habulin ang lahat ng tax evaders para na rin sa kapakanan ng mga negosyong nagbabayad ng tamang buwis. “Hindi lang paghahabol ng mga nawawalang buwis kundi sa pagprotekta sa lehitimong negosyante para naman we could really say that we are leveling playing field,” ayon kay Commissioner Lumagui.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA