March 25, 2025

2 KOREANO, 9 PINOY KALABOSO SA ILLEGAL MINING

TIMBOG ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG( ang dalawang Koreano at siyam na Filipino sangkot sa illegal mining sa Butuan City.

Ayon kay CIDG Director Maj. Gen. Nicolas Torre, nadakip ng mga operatiba ng CIDG-Caraga ang dalawang Koreano na sina Joung Whan Oh and Young Gwan Mun, Korean nationals at ang siyam na Pinoy na tinawag lamang sa mga alyas na John, Jenalyn, Herbert, Jenie, Noel, Macky, Beth, Marvin at Elmer sa Barangay San Vicente nitong Marso 21.

Sa pakikipagtulungan ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region 13, sinabi ni Torre na nahuli sa akto ang mga suspek habang ibinibiyahe ang 500 sako ng hinihinalang copper ore minerals na nagkakahalaga ng P700,000, gamit ang using Hyundai trailer truck at Kia Bongo vehicle.

Aniya, nabigo ang mga suspek na magpakita ng kinauukulang mining permits at iba pang may kaugnay na mga dokumento mula sa MGB at DENR.

Kakasuhan ang mga naarestong suspek sa National Prosecution Servie dahil sa paglabag sa Sections 101 (illegal exploration), 103 (theft of minerals), at 110 (transporting minerals without a permit) na may kaugnayan sa Section 53 ng Republic Act No. 7942 (Philippine Mining Act of 1995).

Ayon kay Torre, ang lahat ng mineral resources sa public at private lands na nasa loob ng teritoryo at exclusive economic zone ng Republic of the Philippines ay pagmamay-ari ng Estado.

Hinimok din ng opisyal ang publiko na isumbong ang lahat ng violations at illegal activities na nangyayari sa kanilang kapaligiran.

Kuha ang larawan mula sa PNA