“Bastusan na itong ginagawa ng MMDA.”
Ganito inilarawan ng dalawang kongresista ang clearing operations na isinagawa ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa non-Mabuhay lanes matapos magkaroon ng tensiyon sa siyudad kahapon nang sumugod sila sa Fugoso at Natividad Streets upang kuwestiyunin ang clearing operation nila doon.
Sumugod sina Manila 3rd District Congressman Joel Chua at 2nd District Rep. Rolando Valeriano, tserman ng House Committee on Metro Manila Development sa nasabing mga lugar upang saklolohan ang mga residente matapos hulihin ang mga sasakyan nito ng mga MMDA enforcer na walang koordinasyon bago pasukin ang kanilang lugar.
Ayon kay Chua, kinompronta niya ang mga MMDA enforcer para kwestyunin ang kanilang hurisdiksyon dahil ang mga kalsada kung saan niya nakitang nagsasagawa ng clearing operation ay wala na sa Mabuhay lane.
Dagdag pa niya, na una nang sinabihan ni Manila Mayor Honey Lacuna ang MMDA na makipagkoordinasyon sa city traffic bureau at mga barangay, ngunit ipinaalam lamang ng MMDA sa Manila LGU ang kanilang operasyon sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga larawan ng kanilang mga operasyon.
Sinabi naman ni Valeriano na maging ang sasakyan sa carwash establishments ay pinaghuhuli ng MMDA.
Parang carnapping na ‘yung ginagawa nila.”
Ayon kay Valeriano, inimbitahan niya ang MMDA upang dumalo sa pagdinig na nakatakda sa Marso 8, 2023, upang ipaliwanag sa Kamara kung bakit nag-o-operate sila kahit hindi kabilang sa Mabuhay Lanes.
Una nang ipinanawagan ni Chua ang pagbuwag sa MMDA, kung saan sinabi na bukod sa iba pa, lumalabag din ito sa huridiksyon ng local government units. (JERRY TAN)
More Stories
DIGONG TATAYONG ABOGADO NI VP SARA VS IMPEACHMENT
Christmas holiday: BI nagtala ng halos 190,000 na mga biyahero sa mga paliparan
Sharks Billiards Association inaugural season… TAGUIG STALLIONS ANG KAMPEON