November 3, 2024

2 “KAMOTE” COP RIDERS NA VIRAL SA SOCIAL MEDIA PINAIIMBESTIGAHAN NI ELEAZAR

INATASAN na ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Lorenzo T. Eleazar, si Police Regional Office 3 Regional Director PBGen. Val De Leon, at ang Director ng Highway Patrol Group (HPG) PBGen. Alexander Tagum, para imbestigahan ang dalawang  police motorcycle riders na nag-viral sa social media habang nag e-exhibition at nag-uunahan sa daan sa Zambales.

“Matapos kong mapanood ang viral video na ito, agad kong inatasan ang RD, PRO3, Police Brig. Gen. Val de Leon pati na din ang Director ng Highway Patrol Group na tukuyin, imbestigahan at patawan ng karampatang parusa ang mga kamote riders na ito. Kasama sa aking utos ay alamin kung mga pulis nga ang dalawang ito,” ayon kay Eleazar.

Dagdag pa ng PNP Chief na ang ganitong mga aksyon ay maaring malagay sa panganib ang buhay ng dalawang riders gayundin ng iba pang mga motorista at ang ganitong mga gawain ay labag sa ipinatutupad na batas sa kalsada.

Sinabi din ni PGen Eleazar na kapag napatunayan na mga pulis ang mga sangkot sa viral video ay agad silang papatawan ng mga karampatang parusa.

“Inaasahan ko ang mabilis na resulta ng imbestigasyon tungkol dito at binabalaan ko din ang ating mga pulis na motorcycle riders na huwag tularan ang mga iresponsable at mga payasong riders na ito,” mensahe ni Eleazar. (KOI HIPOLITO)