December 25, 2024

2 HVI timbog sa P6.9 milyon shabu sa Caloocan

KALABOSO ang dalawang umano’y drug pushers na listed bilang High Value Individual (HVI) matapos makuhanan ng mahigit P6.9 milyon halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni District Drug Enforcement Unit ng Northern Police District (DDEU-NPD) chief PLt. Col. Renato Castillo ang naarestong mga suspek bilang sina Jeoffrey Cardinez alyas “Jeff”, 44 at John Michael Raco, 21, kapwa ng General Tirona Street, Brgy. 144 Bagong Barrio.

Sa report ni Castillo kay NPD Director Ulysses Cruz, dakong alas-12:50 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng DDEU sa pangunguna ni PSMS Michael Tagubilin ng buy bust operation sa Langit Road Corner Crusher St., Brgy. 176 kung saan isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa mga suspek ng P36,000 halaga ng droga.

Matapos tanggapin ang marked money mula sa police poseur buyer kapalit ng isang knot tied transparent plastic bag ng shabu ay agad lumapit ang back up na operatiba saka inaresto nila ang mga suspek.

Ani PSsg Al Ryan Mangat, nakumpiska sa mga suspek ang 11 pirasong knot tied transparent plastic bag na naglalaman ng humigi’t kumulang 1,025 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price P6,970,000.00, buy bust money na isang tunay na P1000 bill at 35 pirasong P1000 boodle money, belt bag, cellphone at isang motorsiklo.

Kaugnay nito, pinapurihan ni NPD Director ang mga operatiba ng DDEU sa matagumpay na drug operation habang kakasuhan naman ang mga naarestong suspek ng paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.