April 21, 2025

2 HVI NAHULI SA BUY-BUST, P374K HALAGA NG SHABU NASAMSAM SA CALOOCAN

CALOOCAN CITY — Tiklo ang dalawang high-value targets sa droga matapos mahuli sa isang buy-bust operation at makuhanan ng mahigit P374,000 halaga ng shabu sa Barangay 157, East Bagong Barrio.

Hindi nakalusot sa matinding operatiba ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) ng Northern Police District sa pangunguna ni P/Lt. Col. Timothy Aniway Jr, ang mga suspek na sina alyas “Arbie”, 41, at ang kanyang 39-anyos na kasabwat.

Ayon sa ulat, nakipagtransaksyon ang isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer sa mga suspek. Nang magpositibo ang bentahan ng droga, agad rumisponde ang mga operatiba at sinunggaban ang dalawa, dakong alas-9:07 ng umaga sa East Service Road, Brgy. 157.

Nakuha sa kanila ang tinatayang 55 gramo ng shabu, may street value na P374,000, at ang marked money na ginamit sa operasyon.

Sinampahan na sila ng kasong paglabag sa Sections 5, 11 at 26 ng Article II ng R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) sa Caloocan City Prosecutor’s Office.

Pinuri ni NPD District Director P/BGen. Josefino Ligan ang matagumpay na operasyon ng DDEU. “Ang tagumpay na ito ay patunay na ang NPD ay kaagapay ng mamamayan para sa ligtas na Bagong Pilipinas,” ayon kay Ligan.

Walang takas sa batas — lalo na kung droga ang kalaban!