December 25, 2024

2 HVI huli sa P340K shabu sa Valenzuela

BALIK-SELDA ang dalawang tulak ng illegal na droga na itinuturing bilang High Value Individual (HVI) matapos makuhanan ng mahigit P.3 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City, Miyerkules ng umaga.

Sa ulat ni PMSg Ana Liza Antonio kay Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban, ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Johnny Llave sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Capt. Joan Dorado ang buy bust operation kontra kina alyas ‘Lupa’, 37, at alyas ‘Bukol’, 43, kapwa residente ng Brgy. Mapulang Lupa.

Nabatid na nakatanggap ng impormasyon ang SDEU hinggil sa patuloy umanong pamamayagpag ng mga suspek sa pagbebenta ng illegal na droga hanggang sa magawa nilang makipagtransaksyon sa mga ito.

 Nang tanggapin ng mga suspek ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang sachet ng shabu ay agad silang dinamba ng mga operatiba dakong alas-5:40 ng umaga sa harap ng isang eskuwelahan sa Avocado Ext., Brgy. Mapulang Lupa.

Nakumpiska sa mga suspek ang nasa 50 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P340,000, buy bust money na isang P500 bill at 8-pirasong P1,000 boodle money, P200 recovered money, cellphone at coin pouch.

Sa record ng SDEU, ilang beses ng naaresto ang mga suspek dahil sa pagbebenta ng illegal na droga.

Sasampahan ng pulisya ng kasong paglabag sa Section 5 at 11 under Article II of RA 9165 or Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang mga suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.