November 23, 2024

2 HVI drug suspects arestado sa higit P.3M droga sa Navotas

NASAMSAM ng pulisya sa dalawang tulak ng ilegal na droga na itinuturing bilang High Value Individual (HVI) ang mahigit P.3 milyong halaga ng shabu makaraang maaresto sa isinagawang buy bust operation sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, kinilala ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes ang mga naarestong suspek na si alyas May-May, 42, at alyas Noel, 37, kapwa residente ng lungsod.

Ayon kay P/Capt. Luis Rufo Jr., hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isang Regular Confidential Informant (RCI) hinggil sa umano’y ilegal drug activities ni ‘May-May’ kaya isinailalim nila ito sa validation.

Nang makumpirma na positibo ang report, agad ikinasa ni Capt. Rufo ang buy bust operation matapos magawa umano nilang makipagtransaksyon sa suspek ng P4,000 halaga ng droga.

Matapos tanggapin ng suspek ang marked money mula sa isang pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba dakong alas-11:12 ng gabi sa Gov. Pascual St., Brgy. Daanghari, kasama ang kanyang kasabwat na si ‘Noel’.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 53.51 grams ng hinihinalang shabu na may corresponding standard drug price na P363,868.00, buy bust money na isang P1,000 bill, kasama ang tatlong P1,000 boodle momey at coin purse.

Sinabi ni PSSg Jeric Delos Reyes na sasampahan nila ang mga suspek ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11 sa ilalim ng Article II of RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Navotas City Prosecutor’s Office.