November 16, 2024

2 HVI arestado sa P1.3 milyon shabu sa Caloocan

DALAWANG drug personalities na listed bilang high value individual (HVI) ang arestado matapos makuhanan ng mahigit P1.3 milyon halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni District Drug Enforcement Unit (DDEU) chief P/Major Dennis Odtuhan ang naarestong mga suspek na sina Samsudin Rasidalyas “Baste”, 33, driver at Johaima Jamael alyas “Kade”, 33, kapwa ng Phase 12, Brgy. 188, Tala, Caloocan City.

Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen Ponce Rogelio Peñones Jr, sinabi ni Odtuhan na nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa illegal drug activities ng mga suspek kaya isinailalim nila ang mga ito sa surveillance operation.

Nang positibo ang ulat, agad na ikinasa ng mga operatiba ng DDEU sa pangunguna ni PSMS Michael Tagubilin ang buy bust operation sa Asco Ville Road corner NHA Road, Purok 7, Brgy. 185, na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek matapos bentahan ng P50,000 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer dakong alas-10:30 ng gabi.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 200 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price (SDP) value na P1,360,000.00, buy bust money na isang tunay na P1,000 bill, kasama ang 49-pirasong P1,000 boodle money at isang kulay pulang Toyota Innova.

Pinuri ni Peñones ang DDEU sa kanilang masigasig na kampanya kontra ilegal na droga na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang HVI na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.