
MANILA — Dalawang lalaki na unang naaresto dahil sa traffic violation ang nadiskubreng sangkot sa isang extortion scheme gamit ang pangalan ni First Lady Liza Araneta-Marcos, ayon sa Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG).
Kinilala ang mga suspek sa alyas na “Joselito” at “JJ Café”, na nahuli noong Biyernes sa Filipinas Avenue, Parañaque City, matapos sitahin ng mga tauhan ng HPG dahil sa paggamit ng illegal blinker at protocol plate number “12” na nakalaan lamang para sa mga undersecretary ng gabinete.
Ayon kay HPG Director Brig. Gen. Eleazar Matta, walang maipakitang dokumento ang dalawa. Sa isinagawang inspeksyon sa kanilang sasakyan, nasamsam ang mga sumusunod:
· Isang 9mm na baril at mga bala
· Handheld radios
· Tatlong bulletproof vest
· C-4 explosive
.We are investigating because they appear to be ready for any armed confrontation. And why were they carrying C-4?” ani Matta sa isang press conference sa Camp Crame nitong Linggo.
Nagsasagawa na rin ng follow-up operation ang HPG dahil may isa pang sasakyang pinaniniwalaang kasabwat na nakaligtas sa checkpoint.
Ayon kay Ambassador Markus Lacanilao, Special Envoy on Transnational Crime, si “Joselito” ay isa sa mga nahuli sa isang entrapment operation sa Pasay City noong Marso 2024, ngunit nakapagpiyansa at nakalaya rin.
Base sa imbestigasyon, si Joselito at ang kanyang grupo ay nangikil ng ₱5 milyon mula sa may-ari ng isang emission testing center, sa banta na ipasasara nila ito kung hindi magbabayad.
Kinumpirma rin ni Lacanilao na ang sasakyang ginamit ng mga suspek sa Parañaque ay kapareho ng ginamit noong March 2024 operation.
Si “JJ Café” naman ay nagpapakilalang undersecretary sa Office of the President at umano’y kamag-anak ng Unang Ginang, upang makakuha ng mga kontrata sa gobyerno.
“They were asking money in exchange for the approval of business like medicine and emission. And they were showing a video of the man posing as undersecretary at the Office of the President,” dagdag ni Lacanilao.
Nagbabala si Lacanilao sa publiko na huwag basta-basta magpapaloko sa mga gumagamit ng pangalan ng mga opisyal ng gobyerno o ng First Family sa iligal na aktibidad. Hinihikayat niya ang lahat na agad i-report sa mga awtoridad ang anumang tangkang pangingikil.
Kakaharap sina Joselito at JJ Café ng sangkatutak na kasong kriminal, kabilang na ang illegal possession of firearms and explosives, at usurpation of authority dahil sa maling pagpapakilala bilang opisyal ng gobyerno.
More Stories
Baha, Sira-sirang Silid-Aralan at Kakulangan sa Upuan, Problema sa Balik-Eskwela 2025
Nonito Donaire, wagi sa pagbabalik sa lona
NGO, nanawagan kay Marcos na i-veto ang panukalang batas na nagpapaluwag sa gun control policies