January 19, 2025

2 huli sa aktong nagtatransaksyon ng droga sa Caloocan

Shoot sa kulungan ang dalawang drug suspects matapos mahuli sa aktong nagtatransaksyon umano ng illegal na droga sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang naarestong mga suspek na sina Mark Anthony Lustre, 35, tricycle driver ng No. 3656 Alma Jose Compound, Camarin, Barangay 177, at Abdel-Aziz Hussin, 32, care giver ng No. 5 Basilan Street, Salaam Compound, Barangay Culiat, Tandang Sora, Quezon City.

Ayon kay Col. Lacuesta, habang nagsasagawa ng Oplan Galugad ang mga tauhan ng Caloocan police nang isang concerned citizen ang lumapit sa kanila at sinabi ang hinggil sa nagaganap na illegal drug activities sa Zabarte, Brgy. 177 dakong alas-12:15 ng hating gabi.

Agad pinuntahan ng mga pulis ang nasabing lugar at naaktuhan nila ang tatlong kalalakihan na nagsasagawa ng illegal drug transaksyon subalit, nang lapitan nila ang mga ito at nagpakilalang mga pulis ay nagtakbuhan ang mga suspek.

Hinabol sila ng mga pulis hanggang sa makorner at ang mga suspek habang nagawa naman makatakas ng isa pa at nang kapkapan ang dalawang nadakip ay nakumpiska sa kanila ang dalawang heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng 7 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price (SDP) value na P47,600.00.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.