July 2, 2025

2 holdaper ng Indian national, arestado sa Malabon

DALAWANG umano’y notoryus holdaper na nagtangkang holdapin ang isang Indian national ang timbog nang pumalag ang biktima sa Malabon City, Miyerkules ng hapon.

Makikita sa kuha ng CCTV ang pagdating ng 35-anyos na negosyanteng Bumbay at pagpasok sa kanilang bahay sa Brgy. Tugatog, kasunod naman na dumating ang mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo at pumasok din sa bahay ng biktima dakong alas-1:19 ng hapon saka tinangkang holdapin ang negosyante.

Kita rin sa CCTV ang paglabas ng mga suspek na hinahabol at hinahampas ng helmet ng biktima kaya binaril siya ng isa sa holdaper at tinamaan sa kaliwangbraso.

Matapos nito, binalikan ng mga holdaper ang kanilang motorsiklo subalit, hindi na nila ito mapaandar kaya itinulak na lang hanggang magpasiyang sumakay ng e-trike at iwanan ang motorsiklo na pag-aari ng asawa ng isa sa dalawang suspek habang isinugod naman ng biktima ang kanyang sarili sa MCU Hospital upang magpagamot.

Sa isinagawa namang follow-up operation, nadakip kaagad ng pulisya ang mga suspek na sina alyas “Aries”, 25, at alyas “Taurus” 32, sa Yanga St. Brgy. Maysilo nang ituro ng driver ng e-trike na sinakyan kung saan nagpahatid ang dalawa.

Nabatid na may dati ng kaso ng panghoholdap sa isa ring Bumbay si alyas Aries sa Valenzuela City noong 2022, bukod pa sa mga kinasangkutang pagnanakaw, attempted robbery, serious physical injury, at ilegal gambling.

Nagkakilala ang mga suspek sa loob ng selda matapos kapwa makulong sa kasong panghoholdap at ilegal gambling habang bigo naman ang pulisya na mabawi ang baril na ginamit ng dalawa.