
SWAK sa kulungan ang dalawang drug suspects na holdaper matapos magpanggap na pasahero at holdapin ang driver ng taxi na kanilang sinakyan sa Caloocan City.
Sa pahayag ng 47-anyos na taxi driver sa mga tauhan ni Caloocan City Police Station chief P/Col. Col. Edcille Canals, sumakay ang dalawang lalaki sa kanyang taxi sa EDSA malapit sa Monumento.
Pagsapit sa Talilong St., Brgy. 28 dakong alas-8:30 ng umaga, naglabag ang mga suspek ng baril sabay nagdeklara ng holdap at sapilitang kinuha ang cellphone, sling bag at PhilHealth ID ng biktima bago nagtangkang tumakas.
Agad namang nagsisigaw na humingi ng saklolo ang biktima na nakatawag pansin sa nagpapatrolyang mga pulis na mabilis rumesponde at hinabol ang mga holdaper na nagresulta sa pagkakaaresto sa 27-anyos na lalaki at 29-anyos na lalaki na positibong kinilala ng biktima na bumiktima sa kanya.
Nang kapkapan, nakuha sa mga suspek ang isang improvised pen gun na kargado ng isang bala ng kalibre .38, isang replica Glock 18 pistol at dalawang transparent plastic sachets na naglalaman ng nasa 10.5 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P72,600.
Ayon kay Col. Canals, mahaharap ang mga suspek sa kasong robbery, paglabag sa RA 10591 in relation to BP 881 (Omnibus Election Code) at RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
Pinapurihan ni P/Col. Josefino Ligan, Acting District Director ng NPD ang Caloocan police para sa kanilang matatag na dedikasyon at walang sawang pagsisikap sa paglaban sa ilegal na droga at pangangalaga sa kapakanan ng komunidad.
More Stories
P816-M SHABU NASABAT SA ORIENTAL MINDORO
3.4K overseas job opportunities inialok sa DMW job fair
MONEY ENVELOPES NA ISINAMA SA ‘ELECTION MATERIALS ESSENTIALS’ TINANGGAL NA NG NATIONAL BOOK STORE