April 12, 2025

2 Grade 8 students, dedo sa saksak ng 3 kapwa estudyante sa Las Piñas

NASAWI ang dalawang Grade 8 students nang abangan sa labas ng paaralan at pagsasaksakin ng tatlong kapwa estudyante sa Las Piñas City nitong Biyernes ng gabi.

Kinilala ni Las Piñas City Police Chief, Col. Sandro Tafalla, ang mga biktima na sina alyas “Rye Enzo,” 15, at alyas Joshua, kapwa Grade 8 students ng Aguilar High School.

Ayon kay Tafalla, naglalakad ang mga biktima sa labas ng paaralan pauwi sa kanilang bahay nang pagsasakin sila dakong alas-7:00 ng gabi sa Balikatan St., Brgy. CAA, Las Piñas City.

Isinugod pa sa Las Piñas Doctors Hospital si Enzo sanhi ng tama ng saksak sa leeg subalit binawian din ng buhay dakong alas-9:30 ng gabi, habang sa Las Piñas District Hospital naman dinala si Joshua, na una ng binawian ng buhay dakong alas-7:42 bunga ng malalim na saksak sa dibdib.

Isinuko naman ng kani-kanilang magulang ang mga suspek na isang 15-anyos na Grade 9, isang 16-anyos na Grade 10 at ang 14-anyos na Grade 7, na pawang mga residente ng Barangay Manuyo Dos.

Ayon kay Taffala, una ng nagkaroon ng pagtatalo dakong alas-4:00 ng hapon ang isa sa mga biktima at ang Grade 9 na suspek sa loob ng palikuran ng nasabing paaralan, dahil pinaglaruan umano ng biktima ang switch ng ilaw sa pamamagitan ng pagpapatay-sindi na naka-irita sa binatilyo.

Nasa pangangalaga na ng Bahay Pag-asa sa Las Piñas City ang dalawang “Child in Conflict with the Law.”


Ayon sa pulisya, tinutukoy pa kung murder o homicide ang isasampang kaso, depende sa kalalabasan ng pagsisiyasat.