February 22, 2025

2 ESTUDYANTE TINANGKANG DUKUTIN SA CALOOCAN (Kidnapper arestado)

SWAK sa kulungan ang ng isang pedicab driver nang tangkain dukutin ang dalawang batang estudyante sa harap ng kanilang paaralan sa Caloocan City, Martes ng umaga.

Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Edcille Canals, mahaharap sa kasong Attempted Kidnapping ang suspek na si alyas “Danilo”, 49, at residente ng San Andres, Manila.  

Sa inisyal na ulat ni PCpl Esteephanie Pascua kay Col. Canals, nangyari ang insidente dakong alas-11:45 ng tanghali sa harap ng Maypajo Elementary School, sa J.P Rizal St., Brgy., 35, Maypajo, matapos sunggaban at pilit umanong isinasama ng suspek ang 10-anyos na lalaking estudyante habang papasok sa paaralan subalit, nanlaban ang biktima bago tumakbo.

Kasunod nito, tinangka ring sunggaban ng suspek ang 9-anyos na babaeng estudyante at nang makita ng Barangay Tanod na si Bernie Nacubuan ang pangyayari ay sinita niya ito kaya nakawala ang biktima saka humingi ng tulong sa tanod at sinabing hindi niya ama ang lalaki.

Agad namang siniguro ng tanod ang kaligtasan ng biktima habang nakatikim muna kulata mula sa galit na mga taumbayan ang suspek na natigil lang nang pumagitna ang barangay tanod na umaresto sa kanya.