ARESTADO sa isinagawang entrapment operation ng pulisya ang dalawang empleyado ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at kanilang dalawang kasabwat dahil sa umano’y pangongotong ng pera sa isang business owner sa Caloocan City.
Kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang mga naarestong suspek bilang si April Claudine Dela Cruz, 30, Data Controller II, Assessment Division, BIR District 5 Caloocan at residente ng Garden Village, Sta Maria, Bulacan, Joyet Alvero, 55, Admin Assistance Officer, BIR District 5 ng Burgos St. Concepcion, Malabon City, Jennifer Roldan, 49, freelance liasson officer ng Cruz St. Bambang, Taguig City, at Ariel Roble, 46, freelance book keeper ng Legarda St. Sampaloc, Manila.
Ang mga suspek ay naaresto ng pinagsamang mga operatiba ng Caloocan Police Station Intelligence Section sa pangunguna ni P/Lt. Ronald Allan Soriano at PNP Intelligence Group sa pangunguna nina P/Lt Felcepi Simon at P/Lt. Paul John Posadas matapos tanggapin ang P1.8 milyon marked money na kinabibilangan ng 10 pirasong tunay na P1,000 bill at mga boodle money sa isinagawang entrapment operation dakong alas-10:30 ng gabi sa 10, Gen. Concepcion St. Brgy. 132 Bagong Barrio.
Sa kanyang report kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/BGen. Jonnel Estomo, sinabi ni Col. Lacuesta na bago ang entrapment operation, sinabihan ng mga suspek ang may-ari ng isang Panel Board Fabrication sa Brgy. Potrero, Malabon City na mayroon siyang tax liability na nagkakahalaga ng P13 milyon.
Sinabi ng mga suspek sa business owner na mababawasan lang ang kanyang tax liability kung makakapagbayad siya ng P4.5 milyon hanggang sa ma-settle sila sa P3 milyon.
Noong Disyembre 2, 2022, nagbayad ang business owner ng paunang P1.7 milyon cash ngunit walang inilabas na resibo ang mga suspek na nag-udyok sa kanya na humingi ng tulong sa pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek. Ani Col. Lacuesta, ang dalawang tauhan ng BIR ay sinampahan ng kasong robbery extortion at paglabag sa Section 17 of R.A. 6713 o Code of Ethical Standards for Public Officials and Employees habang ang dalawa nilang kasabwat ay kinasuhan ng robbery extortion sa Caloocan City Prosecutor’s Office.
More Stories
DIGONG TATAYONG ABOGADO NI VP SARA VS IMPEACHMENT
Christmas holiday: BI nagtala ng halos 190,000 na mga biyahero sa mga paliparan
Sharks Billiards Association inaugural season… TAGUIG STALLIONS ANG KAMPEON