NASA mahigit P.3 milyon halaga ng shabu ang nasamsam ng pulisya sa dalawang hinihinalang tulak ng illegal na droga matapos maaresto sa isinagawang buy bust operation sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Navotas police chief police P/Col. Dexter Ollaging ang naarestong mga suspek bilang sina Mendy Pascual, 46, construction worker at Ogie Dela Cruz, 49, kapwa ng Everlasting St. Brgy. San Roque.
Ayon kay Col. Ollaging, dakong alas- 9:50 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Capt. Luis Rufo Jr, ng buy bust operation sa Leongson St, Brgy San Roque matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa pagbebenta umano ng mga suspek ng shabu.
Kaagad sinunggaban ng mga operatiba ang mga suspek matapos bintahan ng P500 halaga ng umano’y shabu ang isang undercover police poseur-buyer na nagawang makipagtransaksyon sa kanila.
Ani P/Capt. Rufo, nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 54 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price (SDP) Php 367,200 at buy bust money.
Ayon kay PSSg Chrystian Oclares, mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
More Stories
Marubdob na trabaho sa POC mas taimtim sa bagong taong 2025 – Tolentino
Lalaki dinampot sa higit P300K shabu sa Caloocan
Kelot na wanted sa sexual offenses sa Valenzuela, timbog!