June 26, 2024

2 DRUG SUSPECTS TIKLO SA P68K SHABU SA MALABON

KULUNGAN ang bagsak ng dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga matapos masakote ng pulisya sa isinagawang buy bust operation sa Malabon City, kamakalawa ng gabi

Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan ang naarestong mga suspek na sina alyas ‘Mikey’, 28, ng lungsod at alyas ‘Molyas’, 32, ng Bulacan.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Baybayan na ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang buy bust operation kontra sa mga suspek matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa umano’y ilegal drug activities ng mga ito.

Nang tanggapin ng mga suspek ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad silang dinamba ng mga operatiba dakong alas-9:30 ng gabi sa C4 Road, Brgy. Tañong.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 10.0 grams ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price value na 68,000 at buy bust money.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.