September 23, 2024

2 drug suspects nasakote sa Malabon buy bust, P81K shabu, nasabat

DALAWANG hinihinalang drug personalities ang timbog matapos makuhanan ng mahigit P80,000 halaga ng shabu sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Malabon City.

Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan ang naarestong mga suspek na sina alyas Pandi, 34, karpintero at alyas Ben, 33, jeepney driver at kapwa residente ng lungsod.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Baybayan na dakong alas-4:30 ng madaling araw nang matimbog ang mga suspek ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa Phase 1, Gozon Compound, Brgy. Tonsuya.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 12 grams ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price value na P81,600.00 at buy bust money.

Nauna rito, nakatanggap ng impormasyon ang SDEU hinggil sa umano’y ilegal drug activities ng mga suspek kaya ikinasa nila ang buy bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang drug suspects matapos bintahan ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.