November 20, 2024

2 drug suspects kulong sa P350K shabu sa Caloocan

NASABAT sa dalawang hinihinalang drug personalities ang mahigit P.3 milyong halaga ng shabu matapos maaresto sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang naarestong suspek na sina alyas “Tanuno”, 37, painter ng BMBA 2nd Avenue, Brgy. 120 at alyas “Jomar”, 25, service crew ng Marulas B Brgy., 36.

Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Lacuesta na dakong alas-12:00 ng hating gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Cpt. Emmanuel Aldana ng buy bust operation sa Alley gilid ng isang gasolinahan sa Brgy., 120.

Isang pulis na nagpanggap na buyer ang nagawang makipagtransaksyon kay Tanuno ng P70,000 halaga ng shabu at nang tanggapin niya ang marked money mula sa pulis kapalit ng isang knot tie plastic ng shabu ay agad siyang dinakip ng mga operatiba, kasama si Jomar.

Ayon kay PSSg Erwin Oronia Delima, nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 52.36 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P356,048 at buy bust money na isang tunay na P1,000 bill, kasama ang 69 pirasong P1,000 boodle money.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.