September 16, 2024

2 drug suspects huli sa Malabon, Valenzuela drug bust

SA kulungan ang bagsak ng dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga matapos matimbog sa magkahiwalay na buy bust operation sa Malabon at Valenzuela Cities.

Sa report ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, nakatanggap sila ng impormasyon ang hinggil sa umano’y ilegal drug activities ni alyas ‘Tokwa’, 37, kaya ikinasa ng SDEU ang buy bust operation kontra sa suspek.

Nang tanggapin ng suspek ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba, dakong alas-9:30 ng Martes ng gabi sa Ilang-Ilang Street corner Ilang- Ilang III St., Brgy. Baritan.

Nakumpiska sa suspek ang nasa 5 grams ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price value na P34,000.00 at buy bust money.

Sa Valenzuela, nadakip naman ng mga tauhan ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban sa buy bust operation sa Ka Melanio St. corner Rincon Road, Brgy. Rincon dakong alas-2:45 ng Miyerkules ng madaling araw si alyas ‘Robert’, 53.

Nakuha ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni P/Lt. Johnny Llave sa suspek ang nasa 7 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P47,600.00, buy bust money na isang P500 bill at apat pirasong P1,000 boodle money, 100 rerecovered money at itim na coin purse.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 1965 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.