January 23, 2025

2 DRUG SUSPECTS ARESTADO SA HIGIT P900-K SHABU

Kahit may banta ang malakas na bagyong Ulysses, patuloy pa rin ang laganap na bentahan ng ilegal na droga dahilan upang magsagawa ang pulisya ng buy-bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa drug suspects sa Navotas City, kamakalawa ng hapon.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/Brig. Gen. Ronaldo Ylagan, sinabi ni Navotas police chief P/Col. Rolando Balasabas na ang pagkakaaresto kay Albert Ryan Pascual, 45 ng No. 50 T. Gonzales St. Brgy. San Jose at Jospeh Tinio, 42 ng 022 Pitong Gatang St. Brgy. Sipac-Almacen ay resulta ng isang linggong surveillance operation na isinagawa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Genere Sanchez.

Si Pascual na listed drug pusher sa police drug watch list at Tinio na listed drug user ay nasakote dakong 5:15 ng hapon sa Road 10, Brgy. North Bay Boulevard North (NBBN) matapos bentahan ng isang sachet ng shabu ang isang police poseur-buyer kapalit ng P1,000 marked money.

Nakumpiska sa mga suspek ang 26 sachets na naglalaman ng 135 gramo ng shabu na may standard drug price P918,000.00 ang halaga, sling bag, marked money at P2,000 cash. Pinuri naman ni Gen. Ylagan ang mga tauhan ng Navotas Police SDEU dahil sa matagumpay na operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek at pagkakakumpiska ng 135 gramo ng shabu.